Nang trinansmit ni Speaker Martin Romualdez ang articles of impeachment ni Vice President Sara Duterte sa Senado, maraming nagtaka sa high-stakes na sugal ng Palasyo.

Tanong ng abogado at kolumnista ng Rappler na si John Molo: Ano ang punto ng pagpa-file ng impeachment nang ganito ka late (nag-adjourn ang Senado nitong February 5 nang hindi natatalakay ang articles at hindi na raw mako-convene hanggang June 2)? Ano ang istratehiya sa likod ng isang impeachment complaint sa gitna ng campaign season? Ano ang punto ng pagfa-file ngayon kung magpapalit ng komposisyon ang Senado sa Hunyo?
Sa pagsusuri ni Rappler Executive Editor Glenda Gloria, ang best-laid plans ng mga Marcos ay ito: pagpasok ng bagong batch ng old and new senators, nanalo na ang mga manok ni Marcos Jr. sa House at Senate, nawarak na ang imahe at prospects na maging presidente ni Sara Duterte sa 2028, at nasukol na ng International Criminal Court si Rodrigo Duterte. But best-laid plans often go awry.
Pero sa political theater ng Pilipinas, may lohika ang impeachment: mada-divert ang atensiyon ng bayan at madaling malilimot na sinakal ang pondo sa edukasyon, at ginawang isang higanteng boodle fight para sa pork barrel disguised as ayuda ang budget.
Magtatanong ka — wala na bang ibang diskarte o baraha, maliban sa entertainment card?
Sa gitna ng nagmamahalang presyo ng bigas, may drama ng “food security emergency” na ang resulta lamang ay pagkalikot sa SRP (suggested retail price) ng imported rice at pag-a-unload ng National Food Authority ng rice glut nito.
Habang na-e-excite tayo sa mga impeachment lawyer line-up ng magkabilang panig, habang nakatanghod ang lawyer community sa kung sinong bagitong abugado ang sisikat sa impeachment, at nakahinga nang malalim ang finance managers dahil naibsan ang pressure sa kanila away from the limelight — ang tanong — paano naman tayong miron lang sa titan wars ng dalawang dinastiya?
Maaaring i-argue na hustisya ang pakay nito sa harap ng isang foul-mouthed and abusive daw na Bise Presidente. Maaring i-argue na ito ay simpleng demokrasya kung saan gumagana ang mekanismo upang mag-purge ng masamang damo.
Pero sa bandang huli, ang impeachment ay pulitikal at supling ng labanang Duterte vs Marcos.
Sa kasaysayan, ginamit ang impeachment laban sa isang abusadong presidente na may midnight Cabinet — si Erap Estrada. Pero ang impeachment niya ang nagbukas ng pinto sa pag-upo ng arguably mas korap na presidente na si Gloria Arroyo — remember “Hello Garci” at ang unmitigated greed umano — at pinahirapan pa ang taumbayan nang 10 taon dahil sa maagang paglisan ng predecessor. Ginamit rin ito ni Benigno Aquino III upang ipamalas ang clout laban sa remnants ng nakaraang administrasyon at wala nang mas matayog pang target kundi ang chief justice na maraming kalansay sa aparador. Pero nasaan na si Erap at si Arroyo? Lahat sila’y nakapag-come back na.
Kaya’t bago tayo ma-enamor sa impeachment, tanungin muna natin kung may napala ba tayong pangkaraniwang tao sa prosesong ito. – Rappler.com